April 18, 2026
photo_2026-04-13_21-25-40

Art by: Erika Trixie Dirilo


Hay, ang bigat. Walang pakundangan, palagi na lamang nariyan mula umaga hanggang lumubog ang araw. 

At sino ba ang nagpausong sa kada umaga’y may kaakibat na pag-asa, kung sa isang oras ng pag-tigil ay ramdam mo ang bigat kahit nanatiling walang kibo at galaw.

Sa halip na mag-init ang mga pigi sa tagal ng pagkakaupo, ay mata ang nagpupuyos sa mugto mula sa mga panaghoy na ikinukubli sa ningning. Nang pagmasdan ito’y hindi mawari kung ano ang laman; ‘pagkat ito’y napupuno ng mga katagang ni hindi masambit ng dilang marikit.  

Dala nito’y hindi lamang nakapipipi ng saloobin, kundi nakapagdudulot ng pagkaparalisa ng kalamnan. Walang laban, kahit paulit-ulit subukang magsimulang muli ay lalong nauubusan ng hangarin na magpatuloy sa lansangan.

Paano nga?

Paano nga ba kung ang gasolinang nag-uudyok ay unti-unting natuyo sa paghinto nito sa kawalan? Maibabalik pa ba ang ningas kung ibibilad sa arawan hanggang sa paglitaw ng bilog na buwan at bituin sa kalangitan?

Maaaring oo, madalas hindi. 

Imbis na manumbalik ang pag-aalab mula sa silay ng liwanag, ay lalo itong nalalanta sa taglay nitong banas sa mga pagkakataong hindi maka-usad. Dismayado, ngunit ibabaling na lamang ang pansin sa makabuluhan upang hindi masayang ang mga saglit.

Samantala, ang mga nagmamasid t’wing silim ang naging saksi sa bawat mungkahi ng paghahangad na makabangong muli; gayundin ang mga pagnanais na magpatuloy, kahit na walang kasiguraduhan ang patutunguhan.

Ramdam kita. Sa ilalim ng tirik na araw o limi ng karimlan, batid ko ang kaibuturan ng iyong saloobin. Mula sa sidhi ng pagkakaupo hanggang sa patang mga balikat ay salat ko ang mga itinatagong digmaang kadalasa’y laban sa sarili.

Sa pagsandal ng iyong pagal na postura ay dama ko ang sariling mundo, gayundin ang iba’t ibang kalawakan na may nanalaging suliranin. Kung kaya’t nasanayan nang magnilay kung magpapatuloy pa ba sa pagabot ng rurok o tuluyan nang ilalapat ang mga tuhod sa lupa.    

Subalit, sa isang banda ay maaaring pumreno, huminto pansamantala; hayaang malunod sa tanglaw o abutan ng kulimlim.  

Kung tutuusin nga ay hindi mahalaga kung maibibilad sa liwanag o kadiliman. Mainam na huwag munang patatakbuhin kung ang bawat kalamnan ay nangangalawang na o kulang sa piyesa. 

At kapag maginhawa nang muli, haharurot hanggang sa makuha ang inaasam. 

Bagaman mapatigil sa landas na kay kipot at sikip, nawa’y magbalik sa pagwaring walang oras ang nasasayang kung ngayo’y hindi pa makausad; ‘pagkat ang paggalaw ay maaring marahan, hindi puro bilis at liksi hanggang maubusan ng karga at laman.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *