Kilala na ng lupa ang yabag
ng mga paang iginalang
ang kanyang buhay—
tiwala sa kiliti ng bawat gamas
sa mga dahong sagabal.
Nabusog sa mga binhi at pataba,
lumago ang mga ugat na nananahan,
binuhay ang mga katutubong tagapangalaga.
Hindi batid ng lupa ang taning sa buhay,
nagulantang na lamang ang mga alikabok
sa biglaang kawalan ng mga halakhak,
at paglakas ng mga sigaw na pinapalayas
ang mga paang ‘di sanay sa karumihan.
Kinamumuhian ng lupa ang yabang
ng mga paang tinapaka’t sinangla
ang kanyang katauhan—
hindi panatag sa kaykay ng makinaryang
humuhukay sa likas niyang yaman.
Nauhaw sa sinipsip na katubigan,
natuyo ang mga ugat na noo’y nakayakap,
Dahil sa banyagang ganid sa kaunlaran.
