Tumatagaktak ang pawis
sa mga kurbada ng orasan,
kaya bawat galaw nito’y naghuhudyat
ng pagkalas, ng paglisan.
Mahigpit tayong kumapit
sa pasmado nitong mga kamay,
sumiping sa umiiksi niyang bisig
at yayakapin kang maigting
habang malupit na pinapaspas
ng hanging balisang nagpupumilit
patakbuhin ang panahon,
marahas na tinatastas
ang nakatahi na nating kaluluwa.
Sa pagsapit ng gabi,
samahan mo akong pagmasdan
kung paano tayo pinagbubuklod
ng ating bawat sandali;
ramdam kong tayo’y nauupos
sa buong araw na pagmamadali.
Kaya ang tanging dalangin:
mahiya ang Kaniyang malaking kamay
sa mahimbing mong sandal,
sa mga balikat kong nasanay sa pagal.
At baka bukas,
hindi hahangos,
hindi na tayo hihingalin pa.
