Ganire ang klase ng kape na dapat iniinom mo sa umaga, ‘yung mainit, ‘yung matapang—barako—samahan mo pa ng panonood ng balita, aba’y paniguradong magigising ang diwa mo, pero kayo ga’y nagbabasa pa ng diyaryo?
Aba’y siya nga pala, puro dapat iniinom ang Gin Bilog, ‘wag mo nang hahaluan ng kung anu-ano pang juice; ‘wag ka ring tatanggi kapag inalok kang bumarik diyan sa labasan, puwera na la-ang kung ika;y may pasok kinabukasan, uunahin mo ‘yan at ‘yan la-ang naman ang pamana namin sa’yo ng iyong Inay; ganire magpakinang ng sapatos, ‘wag masyadong dadamihan ang biton, magtutuklapan ang balat; ganire dapat ang tabas ng iyong buhok, ‘yung malinis gang tignan, ‘wag na ‘wag mong kukulayan; ganire dapat ang lakad, tuwid ang likod, matikas, ‘yong pantay ang balikat, nang ika’y ‘di makursunadahan; kapag ika;y nakursunadahan, ganire dapat ang iyong tindig, hihigpitan mo ang iyong kamao at susunggaban mo agad ng isa, nang malaman niya;
paano po kung mas malaki sa’kin?
Ganire naman dapat ang pipiliin mong klase ng sasakyan, ‘yung malaki, kasya ang buong pamilya; dapat madalas kang magpalit ng krudo; ganire maglinis ng wind shield, titignan mo rin lagi baka may sira na ang preno; dapat ikaw ay matapang magmaneho, pero respetuhin mo ang batas trapiko; ganire dapat ang relong sinusuot mo para ika’y guwapo, aba’y marami kang babaeng papaiyakin; ‘wag na ‘wag mong papaiyakin ang Inay mo, aba’y subukan mo at malalaman mo; ganire maglaro ng basketball, para ‘di ka lalampa-lampa; ganire dapat ang gagawin mo kapag tambak na kayo ng kalaban, ‘wag kang susuko agad;
pero paano po kung gusto ko sana mag-volleyball?
‘Wag kang pakalat-kalat habang naglilinis ng bahay ang iyong Inay, ilagay mo sa tubalan nang ayos ang iyong pinaghubaran; ‘wag na ‘wag kang gagamit ng pinagbabawal ng gamot, aba’y magkalimutan na tayo; ganire naman ang gagawin mo kapag ika’y may pinopormahan; kapag ‘di ikaw ang tipo, aba’y patunayan mong ikaw ang nararapat, ‘pag hindi ay marami pa namang iba riyan; kapag nahanap mo na ang para sa’yo; aba’y ‘wag ka nang titingin sa iba, gayahin mo ako sa iyong Inay; ganire ang hawak ng kwarenta’y singko, panakot la-ang naman ‘yan, ‘wag mo ipuputok; ganire naman ang mag-hasa ng balisong, ‘wag mo la-ang gagamitin sa iba, ika’y malilintikan sa’kin;
paano po kung ayaw kong gumamit ng dahas?
Pero alam mo, ganire pala ang dapat mong gawin kapag ika’y may problema, ‘wag na ‘wag mo ako sanang gagayahin; dapat ang problema pala ay ‘di sinasarili, ‘di tinatakbuhan; dapat matuto ka ring sumandal, lalo na sa nagmamahal sa’yo; dapat matuto kang ilabas ang lungkot sa harap ng taong minamahal mo, iiyak mo ‘yan kung gusto mo, narito naman kami ng Inay mo para damayan ka; ‘wag na ‘wag kang humingi ng pasensya kung sakaling ‘di mo ako masusunod; lalaki ako, tayo, dapat pala marunong akong makipag-usap sa kapwa ko lalaki lalo na sa aking anak—ikaw;
dapat sinabi mo ang mga ‘yan habang kapiling ka pa po namin, Tatay.
