January 22, 2025
Artwork by Mavic Serrano

Sa pagsasagawa ng mga pagbabago, hindi natin malalaman ang mga maaring mangyari kung hindi natin susubukan. Maaari tayong magkamali. Maaaring makaranas tayo ng pagkaantala ngunit lahat ng ito ay parte ng proseso. Gayunpaman, kung hindi handa ang karamihan, hindi maiiwasang magmistulang eksperimento ang mga hakbangin na tila may gusto lamang patunayan.

Kakaiba ang unang semestre ng taong panuruang 2017-2018. Bukod sa mga mas mahirap na kurso at mga proyekto sa ikatlong taon ko sa kolehiyo, marami ring nagbago sa eskuwelahan. Nariyan ang pag-taas ng matrikula, ang Bring Your Own Device (BYOD) at Bring Your Own Container (BYOC) na mga polisiya, ang pagkakaroon ng air conditioning units (ACUs), ang Learning Management System (LMS), at marami pang iba.

Bagaman maganda ang hangarin, nagdulot ang ilan sa mga ito ng pagkalito, pagkabigla at hirap sa ilan. Kaya naman sa pagpasok ng semestreng ito, dapat lamang na baunin natin ang mga aral mula sa nakaraang semestre upang mas mapakinabangan at mas magamay ang mga bagay na hatid ng pagbabago sa loob ng eskwelahan.

Canvas

Sa nakalipas na semestre inilunsad ang LMS sa pamamagitan ng app na Canvas. Gamit ito, naging posible ang pagbibigay ng mga aralin at pagsusulit gamit ang Internet. Sa unang salang namin dito, apat lamang sa walo naming asignatura ang aktibo sa LMS. Ang natitirang apat, wala–walang interaksyong namagitan sa guro at mag-aaral at walang pagtuturo o ni isang pagsusulit na naganap sa Canvas. Naging lagayan lamang ito ng mga paalala ng guro, mga PowerPoint presentation at sa kalaunan ng aming kulang-kulang na marka sa mga pagsusulit.

Dumating din sa punto na sa kalagitnaa’y nawala ang access sa LMS, dahil umano sa pagsasaayos ng ilang mga isyu sa paggamit nito. Base sa aming naging karanasan, nakikita ng ibang mga estudyante ang mga aralin at paksa ng ibang klase pati na rin ang kanilang grado sa mga pagsusulit. May ilang mga takdang aralin ng ibang klase ang lumalabas sa aming mga Canvas account kahit hindi naman namin guro ang gumawa nito.  Kaya naman, wala rin kaming nagawa kundi bumalik sa dating gawi–ang paggamit ng Facebook group at mga google drive.

Pabor ako sa ideya ng online learning dahil ito ay maaaring maging mabilis, makabago, at epektibo sa aspeto ng interaksyon sa pagitan ng estudyante at guro. Sa LMS nagpapaalala ang guro ukol sa aming mga darating na pagsusulit. Nailalagay at naipapatas din dito ang mga kakailanganin namin sa pag aaral. Subalit dahil kung ang mga guro ay hindi handa, naging bale wala ang LMS. Nawalan lamang ng isang oras ng harapang interaksyon ang mga estudyante at guro. Dapat ay magkaroon ng mas konkretong plano ang mga guro sa mga aktibidad na kanilang ihahanda para sa mga mag-aaral sa Canvas. At upang mas mapakinabangan ito, kinakailangan ng din ng aktibong partipasyon ng mga estudyante na mag dala ng mga gadget na kakailanganin para sa mga espisipikong gawain.

Miyerkules

Kaugnay nga paglulunsad ng  LMS, binawasan ng tig-iisang oras ang bawat lecture subject. Wala nang itinakdang iskedyul ng klase para sa araw ng Miyerkules na inilaan sa pagtuturo gamit ang Canvas. Ngunit dahil nga may mga gurong hindi gumagamit ng LMS, nababakante at nawawala lamang ang isang oras na inilaan para dito. Kaya naman, nahuli ang karamihan ng mga klase sa ilan nilang mga paksa, dahilan upang magkaroon ng sunod-sunod na mga make-up class, lalo na noong nalalapit na ang finals.

Kung hindi iisipin ang dagdag gastos at nakakaing oras, pabor ako sa pagkakaroon ng ganitong solusyon dahil maaari nitong punan ang mga oras na nawala dahil sa mga kanselasyon ng klase. Kaso nga lang, sa kabilang dako, estudyante pa rin ang naaabala dahil dito mula pagpapareserba ng klasrum at mga kagamitan hanggang sa paghahanap ng eksaktong oras kung saan libre ang mga propesor.

Bagamat epektibo ang mga ganitong solusyon, hindi rin nito nakayang punuan ang kabuuan ng nawalang oras dulot ng samu’t saring dahilan ng kanselasyon ng klase katulad ng mga holiday at programa sa ekwelahan.

Ngayong semestre, nagkaroon ng patakarang magkaroon ng permanenteng silid-aralan at iskedyul para sa oras na ilalaan sa LMS, na maaaring magamit kung mas nais ng propesor na magkaroon ng contact hours. Gayunpaman, ang naturang klaseng gaganapin ay batay pa rin sa desisyon ng mga propesor kung nais nilang magkakaroon ng klase sa loob ng klasrum. Upang mas mapakinabangan ang oras na ito, mas magandang gawin na itong permanenteng klase na lamang at hindi lamang isang opsyon. Sa pamamagitan nito, mas marami ang oras na mailalaan para tapusin ang ibang mga aktibidad na saklaw ng isang subject sa buong semestre.

Iba pang Digital Campus initiatives

Bukod sa Canvas at pagkawala ng klase tuwing Miyerkules, nariyan din ang pag-i-install ng Wi-Fi sa loob ng kampus. Maaalala na halos katapusan na ng Setyembre nang magkaroon nito sa mga silid-aralan ng Mabini at CBEAM Building habang Nobyembre na nang magkaroon ng internet ang Student’s Center.

Noong nagamit na ang Wi-Fi, may oras naman na nawawala ang koneksyon sa internet. May pagkakataong kapag nagpapagawa ng aktibidad ang guro ay may ilang hindi makasabay dahil nga dito. Noong nakaraang semestre ay isinagawa rin ang pag-aayos nito upang makamtan ang sinasabing isang gigabyte na bandwith ng internet, isang bagay na ginawa na sana bago pa lamang magsimula ang semestre para mas masiguradong hindi na maantala ang paggamit nito sa kalagitnaan ng taon.

Kaugnay din ng Digital Campus Initiative ang pagkakaroon ng smart ID or ang Next+ Card. Sa oryentasyong inilatag ng Student Government tungkol sa mga pagbabago sa eskewlahan, ibinida ni Allan Lucero, ICTC OIC-Manager, na sa pamamagitan nito, magiging posible ang “cash-less transactions” sa loob ng eskwelahan, automated checking ng attendance at iba pa. Datapwat natapos na ang unang semestre’y hindi pa rin nakukuha ng mga estudyante ang mga ito. Kung hindi kaagad makukuha ang nasabing ID, hindi ito magiging patas lalo na sa mga estudyanteng magsisipagtapos na sapagkat tila ang kanilang dagdag bayarin sa matrikula ay ginamit lamang upang masimulan ang nasabing proyekto nang hindi nila ito lubos na mapapakinabangan.

Nagmistulang “testing” o eksperimento ang biglaang pagpapatupad ng mga pagbabagong ito noong nakaraang semestre.

+++

Maaring ituring ang mga pangyayaring ito bilang “minor bumps” sa “first baby steps” ng institusyon tungo sa pagiging isang ganap na Digital Campus, tulad ng sinabi ni Br. Dante Jose Amisola, FSC, presidente ng DLSL, sa kanyang opisyal na pahayag noong Agosto. Gayunpaman, dapat nang maayos ang mga ito lalo na’t nakapaloob na ang mga ito sa naging dagdag matrikula ng mga estudyante maging noong nakaraang semestre.

Nagmistulang “testing” o eksperimento ang biglaang pagpapatupad ng mga pagbabagong ito noong nakaraang semestre. May ilang bagay na naging kapuna-puna para sa marami. Kung titingnan ang mas malaking larawan nito, sa mga pagkukulang pa rin na ito tayo makakakuha ng mga bagay na dapat mas bigyang pansin kaakibat ng pagbabago. Ang mga butas na nakasalubong natin sa daan patungo sa Digital Campus ay dapat punan ng solusyon mula sa mga aral na ating napulot sa unang semestre ng transisyon. Hindi lamang dapat tinatakpan ang mga butas na ito, bagkus ay tamnan ng pundasyon para sa mga susunod pang antalang darating.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *