Init at alikabok. Tagaktak ng pawis. Ingay ng busina sa kaliwa’t kanan. Mga reklamo ng mga naiinip at naiinitang tsuper at pasahero. Kahit ilang busina pa ang gawin, wala pa ring usad.
Halos araw-araw ganito ang senaryo sa tuwing maghahatid ng mga parcel kapag inaabot ng tanghali. Dala-dala ang mga maliliit na naka-pake at patas patas na orders, pilit kong pinagsisiksikan ang maliit kong motor sa pagitan ng mga mga truck at dyip. Muntik nang sumabit ang side mirror sa katabing sasakyan at tila ba sesemplang pa ako sa pagbabalanse nito makaiwas lang.
Sa araw-araw na paggising nang alas-kwatro para lang makuha ang mga parcels. Sa araw-araw na paghahatid ng mga ito sa kada tahanan na obligado kong puntahan. Sa gabi-gabing pag-uwi kung kailan tulog na ang lahat. Palagi kong naaalala ang tambak na mga resibo ng kuryente at tubig na kailangan kong bayaran ngayong buwan. Isama mo pa ang lata ng gatas na latak na lamang ang laman, at mga diaper na paunti-unti na ring nauubos.
Puyat na nga ako kagabi, kailangan ko pang gumising ng madaling araw para mauna sa pila sa pick-up point. Kahit pa dalawa hanggang tatlong oras bago dumating ang mga parcels. Kahit pa nakakangalay tumayo at nakakaubos pasensya ang paghihintay. Pinagtitiyagaan ko lahat ng ‘to dahil mas magtatagal pag naunahan ako ng iba. Hindi naman pwedeng madelay ang mga parcels na kailangang i-deliver kada araw. May quota kasi kaming sinusunod.
Pero ano nga bang magagawa ko? Kailangan kong kumayod.
Muli kong binasa ang address na nakalagay sa parcel.
‘Block 2, Jose Street Masagana Subdivision’
Dito na naman. Ang lugar kung saan naranasan ko kung gaano nga ba kahirap ang trabahong ito. Kaya naman –
Sa taong lagi kong pinaghahatidan,
Gusto ko lang malaman mo na sana, sa pagkakataong ito, kunin mo na sana ang parcel mo nang maayos at may respeto. Hindi lang ikaw ang paghahatidan ko sa araw na ito. Kaya naman sa pagkatok ko sa pintuan ng bahay mo, bayaran mo na rin kaagad ito para makaalis na ako.
Paano ba naman kasi? Lagi ka na lang may reklamo. Kesyo bakit damaged ‘yung parcel? Eh nayupi lang naman ng kaunti ‘yung kahon dahil hindi maayos ang pagdadala ng naunang courier. Kesyo bakit mali ‘yung item na pinadala ni seller? Eh kamalayan ko kung bakit, siya naman nagpake at nagpa-ship out nito.
At kahit na ilang beses kitang pagpaliwanagan na wala akong magagawa tungkol dito dahil sa pag-dedeliver lang naman ako, walang tigil pa rin ang bunganga mo sa pagdada. Alam mo ba? Ikaw mismo ang kailangan mag-request ng return and refund para maayos ‘yang problema mo. Labas na ako sa kung ano mang pagkakamali sa order mo, tutal kayo naman ni seller ang magkausap tungkol dyan.
Katulad na lang noong sa kahapon, hindi ka nagpakita sa address na pagdadalhan ko. Naka-ilang text at tawag na’ko sa’yo pero wala pa ring nasagot. Ilang beses na rin akong kumatok sa bahay mo pero walang tao. Inabot na ako ng dilim, pero wala pa rin.
Kinapalan ko na nga ang mukha ko at nakiusap sa inyong kapitbahay na kung maaari ay sila muna ang mag-receive at magbayad nito. Hindi naman tinanggap. At dahil nga kailangan kong panatilihin ang magandang employee performance ko, minarkahan ko nalang ito ng ‘delivered’ at ako muna ang nag-ambuna ng pera para sa order mo. Nabawasan na naman ang kita ko at paniguradong kulang na naman para sa mga bayarin dahil sa’yo.
Eh ano pa nga bang magagawa ko? Bilang tagataguyod, lahat ng hirap at pagod titiisin ko. Pero sana man lang kahit sa pagkakataong ito – sa muling pagpunta ko sa bahay ninyo, nadoon ka na para kunin ang parcel mo.
Piyesa ni Jennilou Gonzales