November 22, 2024

Bata pa lamang ay namulat na ako sa wikang banyaga. Sa katunayan, mas nakasanayan ko na bumilang sa Ingles kaysa sa Tagalog, lalo’t higit kapag nakikipaglaro ng tagu-taguan. Isa rin ako sa mga umabot sa puntong ang tingin sa mga gawang Pinoy, mapa-rap man o pelikula, pati na rin ang ilan sa mga artista ay ‘jejemon’ o ‘jologs’. Kung kaya kinakatakot ko noon na mapahiya dahil plakado ko ang kantang High School Life ng Repablikan at Kahit Bata Pa Ako ni Aikee kaysa sa mga tugtuging Amerikano na paniguradong ‘cool’ o ‘fancy’ kagaya na lamang ng Love Story ni Taylor Swift at Poker Face ni Lady Gaga na agad ko rin namang sinaulo. Bilang isang estudyante sa elementarya, tila mas naging importante sa akin ang magmukhang astig sa harap ng mga kaibigan kaysa maging sugo ni Inang Wika. 

“Bakit nga ba umabot pa sa puntong ang tingin sa sariling wika ay mababang uri at naging mas madaling matutunan ang mga salitang hindi naman atin?”

Ngunit kinalaunan ay nahayag sa akin ang hirap na aking maaring kaharapin dahil sa hindi pagiging sanay sa sariling wika. Sa pagtukoy pa lamang ng mga araw ng linggo ay kumukunot na ang aking noo sa kadahilanang hindi ako sigurado kung aling araw nga ba ang kahulugan ng nabanggit. Dagdag pa rito, nagiging hamon din sa akin ang mga asignaturang kinakailangan isulat sa tuwid na Filipino, kagaya na lamang ng kolum na ito. 

Bakit nga ba umabot pa sa puntong ang tingin sa sariling wika ay mas mababa at naging mas madaling matutunan ang mga salitang hindi naman atin? Kapansin-pansin pa sa ngayon na karamihan ng mga kabataan ay mas diretso pa magsalita ng Ingles kaysa ng Filipino. Maaring sabihing kagaya ko, nag-uugat ito sa kinagisnan ng bata sa kanyang pangunahing pangkat kabilang na ang impluwensiya ng pamilya at mga malalapit na kaibigan. Maaari rin namang dahil ang Ingles ay kinikilala na opisyal na wika rin ng Pilipinas at ginagamit bilang daluyan ng kaalaman mula sa mga iba’t ibang panig ng mundo. 

Sinanay tayo ng mga mananakop sa pananaw na ang dila ng tunay na edukado ay bihasa sa wikang banyaga, at mangmang naman kung ang ginagamit ay sariling wika. Kung kaya hanggang sa panahon ngayon, kapag bihasang makipag-pulong at makipag-debate sa Ingles ang isang tao ay tila siguradong intelektuwal at makatotohanan na ang mga sinasabi nito.

 Ang mentalidad na ito ay nagsisilbing-diin kung bakit nararapat lamang na sa murang edad ay sanayin ang mga kabataan na gamitin ang wikang Filipino upang lalo nila itong bigyang kahalagahan sa kanilang paglaki. Hindi naman masama na ituro at gamitin ang wikang Ingles, ngunit bakit parang naiwan tayong nakakulong pa rin sa sistema ng mga mananakop? Hindi ba nararapat lamang na bigyan ng angkop na pagpapahalaga ang sariling wika o ang wikang Filipino sa murang edad pa lamang, bago iprayoridad ang wikang dayo?

“Ito ay nagsisilbing-diin kung bakit nararapat lamang na ituwid ang mga nakasanayang baluktot na sistema at sa murang edad ay sanayin ang mga kabataan na gamitin ang wikang Filipino upang lalo nila itong bigyang kahalagahan sa kanilang paglaki.”

Kung titingnan din nang mabuti, ang kahalagahan ng paghahatid ng malinaw na impormasyon lalo’t higit sa panahon ng mga sakuna kagaya ng pagputok ng bulkang Taal at pandemya dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ay mas mapapadali kung ginagamit ang wikang Filipino. Sa bawat balita na puno ng teknikal at siyentipikong termino ay paniguradong may mga mamamayan na nag-aabang ng tagasalin sa wikang maiintindihan nila.

Nararapat lamang na bigyan ng pagpapahalaga ang wikang Filipino lalo na sa sistema ng edukasyon ukol sa wastong paggamit ng ilan sa mga salita kung saan litong-lito ang karamihan. Kagaya na lamang ng simpleng kaalaman sa paggamit ng mga salitang “ng” at “nang” o “daw” at “raw”, mga panlaping “pang-” “pan-” at “pam-”, pag-uulit ng pantig sa “kakagising” o “kagigising,” wastong pagbabaybay sa salitang “kumusta” o “kamusta,” o kaya naman kung kailan dapat gumamit ng kudlit sa mga salitang “sa’kin” at “‘yong”.

Noong taong 2018, naging mainit na usapin ang pagtanggal ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo, at ang pagdagdag ng Kagawaran ng Edukasyon sa wikang Koreano bilang isa sa mga elektibong paksa para sa elementarya. Kung iisipin, tunay nga naman na benepisyal ang wikang banyaga upang maging globally competitive. Ngunit hindi ito dahilan upang bawasan ang mga aralin patungkol sa kultura ng sariling bansa. Kung tutuusin, makikitang kabilang sa interes ng kasalukuyang henerasyon ang pag-intindi at pagiging bihasa sa mga sinaunang paraan ng pagsulat kagaya na lamang ng Baybayin. Ang interes na ito ay maaring magbigay posibilidad sa pagbuhay muli ng isang bahagi ng ating napakayamang kultura at maka-pagpapaigting sa diwa ng pambansang pagkakakilanlan ng mga Pilipino. 

Hindi nalalayo sa sa katotohanan na ilang henerasyon lamang mula sa panahon ng pagkakalimbag ng artikulong ito ay baka tuluyan na ngang mabura at makalimutan ang wikang humasa sa ating pagkakakilanlan. Nasa ating simpleng pamamaraan magsisimula ang mga hakbang upang patuloy na pagyamanin ang sariling kultura at wika. 

Kagaya ko na lamang na simula noong maunawaan ang kahalagahan nito ay agaran kong hinamon ang sarili na bumilang simula isa hanggang sampu, at unti-unti ay naging isa hanggang isang daan. Bunsod nito ay natuto rin akong tangkilikin at ipagmalaki ang mga gawang Pinoy lalo na sa larangan ng musika. Simple man lang ang mga paraan na ito, ay masaya ako na may kontribusyon ako upang mas mapahaba ang umiikling oras ni Inang Wika. 

2 thoughts on “Bata, bata, huwag pabayaan ang wikang pambansa

  1. Hi, nais ko lang po malaman kung maari ko pong makuha ang personal na impormasyon ng may akda nito kung saang paaralan nag-aral/nag-aaral ang may akda dahil ilalagay ko po sa mga sanggunian ng aking pananaliksik. Maraming salamat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *