Tayong mga Pilipino, bago pa man tumungtong sa Malacañang ang tubong Mindanao, na si Rodrigo Duterte, ay nabubuhay na sadya sa kahirapan at karahasan. Matapos ang mga pananakop na naitala sa ating kasaysayan, nakasundo ng Pilipinas ang iba’t ibang bayan maging ang Estados Unidos na isa rin sa mga imperyalista, at naging kapalitan ng mga papuri’t pabor bagaman palaging agrabyado na ang ating bansa sa bawat usapan. Lumipas ang panahon at nasanay na ang karamihan, bata’t matanda, maging lalaki, babae, o ang iba pang mga kasarian, sa ganitong uri ng panlalamang. Gayon pa man, hindi nagtagal ay ating nabatid na kahit tayo’y nakikinabang sa mga kalakalan ay nananakawan pa rin ng sariling yaman.
Dumating si Duterte at dumulog bitbit ang kamaong tanda ng pamahalaang nangangako ng pagbabago. Kasama ng madalas niyang pagmumura na di umano’y bunsod ng matinding damdamin ay iaahon niya raw tayo sa kolonyalismo ng ibang lahi at aakayin sa kapayapaan ng bansang malaya sa ipinagbabawal na gamot. Subalit, iba ang landas na ating tinahak at dinala ang sambayanan sa pamamahalang binalot ng kapalpakan, kung hindi man pagkukunwari. Sa kabila nito, siya’y inibig at niyakap ng buong suporta ng mga Pilipinong binansagang ‘DDS’, na may madilim at kontrobersyal na etimolohiya—Davao Death Squad—na ngayo’y ‘Die-hard Duterte Supporters’. Maari mang ituring na pangungutya, silang mga umamin na panitiko ng pangulo ay buong pagkatao na ring isinasabuhay at tinatanggap ang katotohanang walang makakapigil sa kanilang pagsuporta. Kaya, tinutukan at kinahibangan nila ang bawat magandang gawi na ipinamalas ni Duterte bagama’t sadyang kabilang ang mga ito sa kanyang sinumpaang tungkulin at hindi bilang mga milagrosong biyaya. Walang ano-ano’y patuloy siyang pinalakpakan noong inuutay na niyang tuparin ang kanyang mga plataporma at mga naging madugong istorya ng di-patas na solusyon sa drogang ani niya’y ugat ng lahat ng salot.
Buhat ng pagkakaupo ni Duterte ay bumibilang na ngayon sa halos apat na taon ang kanyang mga prinsipyo’t ideolohiya na patuloy na pinaglilingas ng maraming mamamayan sa paniniwalang ito ang mga natatanging lunas sa matatandang sakit ng ating bansa. Patuloy itong pinaapoy sa paniniwalang ang matalim niyang dila at kamay na bakal ang magliligtas sa nauuhaw nating lalamunan at kumukulong sikmura. Lahat ng ito dahilan sa maalin sa mga nabulag o nagbubulag-bulagang kamalayan tungkol sa libo-libong bangkay ng mga taong inosente at hindi dumaan sa paglilitis ng batas. Patuloy na tinatanggap sa kanilang konsensya ang maliliit na tagumpay kapalit nitong sinasabing katapangan. Kung kaya, nawawalang-halaga ang saligang batas na siya pa namang pinagbuwisan ng kasaysayan mula pa sa kolonya ng España, hanggang sa diktaturang Marcos, at hanggang sa mga kasalukuyang banta sa katarungan.
Ngayon, dahil hati ang saloobin ng mga Pilipino, ang mga DDS at ang mga nasa oposisyon na kinukutya namang mga dilawan (isang akusasyon sa mga taong kritikal na anila’y nabulag na sa Partido Liberal), malinaw na walang maituturing na pangkalahatang kapanatagan at hustisya ang Pilipinas ngayong sunod-sunod ang pagsasawalang-bahala sa mga tunay na isyu ng lipunan. Nagngangalit hindi ang mga dilawan, kundi ang mga taong uhaw sa tunay na kalayaan ngayong may mas tuso pala tayong mga dayuhan at kapwa kababayan. Wala naman sigurong umiibig sa bansa ang natutuwa sa kalapastanangan ng Tsina sa ating teritoryo at pag-aasal tuta ng taong aasahan sana nating magtanggol.
Ano ang nararapat nating gawin? Sa isang pangulo na dapat ay nagsisilbing lider subalit nagmimistulang alagain nang ama, marapat lamang na mas ibuka pa ang ating bibig at huwag makinig sa mga nanghahamak sa ganitong paninindigan.
“Higit sa lahat, itinuturo nito ang pagtatanong kung sapat ba ang ginagawang serbisyong pampubliko ng ating mga inihalal.”
Ang araw na sumisikat sa silangan na siya pa ring araw na tinutukoy ni Andres Bonifacio ay malinaw na nagtuturo sa ating mga matang matagal nang napuwing na subukang imulat muli ang mga ito sa mas matayog na liwanag at hindi dito sa nakumpurmisong paglilingkod. Itinuturo ng katuwiran na wala tayong ibang mahihintay kundi ang napipintong kapahamakan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalong kapangyarihan, at lalo’t lalong pagdanak ng dugo. Itinuturo ng katuwiran na huwag nating sayangin ang ating hinlalaki sa balotang ang mga pangalan ay iyong mga kulang sa pakialam at panay taga-tango lamang sa mga hilaw na deriktiba ng nasa upuan. Higit sa lahat, itinuturo nito ang pagtatanong kung sapat ba ang ginagawang serbisyong pampubliko ng ating mga inihalal. Hindi nito nilulundo ang pagkikipit-balikat sakaling hindi nila maabot ang orihinal na panuntunan ng serbisyong ating pinapairal sa tuwing pangkaraniwang manggagawa ang sa ati’y nagkakasala. Hinihimok nito ang ating kalooban hindi tungo sa pagkakaroon ng iisang kulay, kundi para sa nag-iisang biyayang ating kinamulatan at lalong dapat ingatan— itong demokrasyang napuno na ng pilat.
At ngayong tayo’y may kinakaharap na pandaigdigang krisis dulot ng pandemya, ito na sana ang huling delubyo na ating mararanasan para lamang ating mabatid na may mali at may kakulungan sa kasalukuyang pamamalakad. Maraming ulit siyang binantaan ng publiko ukol sa mga napipintong kapahamakan, subalit ang mga ito ay kanya lamang binalewala kasama ng kanyang mga tagapagsalita. Ang pinaka magandang lunas ay kaniya nang pinalampas, at ngayon, maraming karumihan pa rin ang pilit niyang itinatago at panlilinlang na inilalantad. Nasaan na ang bilyon-bilyong piso? Nasaan na ang malasakit at serbisyo? Nasaan na ang sinasabing handa at kaya ito ng ating gobyerno?
Ito na ang panahon na dapat ipakilala ang ating mga sarili na tayo ay may mataas na rekisito, may dangal, at may karunungang kumilatis kung sino ang mga ganid, mahina, tapat, at madaya. Dapat nating simulan ang paghahanap sa mga bagay na kailanman ay hindi na dapat nakubli: mga responsibilidad na kinalimutan, mga pananagutang itinanggi, mga batas na binali, mga karapatang ninakaw, at mga buwis na naglaho, sapagkat ito na ang pinaka malaking ambag na maaari nating gawin. Dapat mabatid ng mga Pilipino, lalong higit ng mga DDS, na ang pagiging makabansa ay hindi nasusukat sa pagsuporta sa administrasyon, kundi sa antas ng kamalayan at pag-ibig sa bayan, lalong higit sa mga mahihirap, maski iyong matagal nang naglantad bilang mga kritiko ng pamahalaan. Hindi lahat ng nagagalit ay nangangahulugan ng hindi pagsunod, at hindi lahat ng taong suwail ay mula rin sa ating makatuwirang pagkagalit. Nawa ay inyong mapagtanto na iba ang sumusuway sa nangangarap, at ang nanggigising sa nang-aasar.
“Kagaya natin, si Duterte ay trabahador at hindi diyos, at kagaya nating sinisisi–kung nararapat–sa tuwing nagkakamali sa mga gawaing nakapapahamak sa kalagayan ng nakararaming tao.”
Kaya! Mga kababayan! Ating mas lalong idilat ang ating paningin. Ang sanaysay na isinulat ni Bonifacio–Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog–ay ang aking pinagbatayan dito sa panahong muling hindi natin matukoy kung bakit dapat may managot sa ating paghihirap, na noo’y dulot ng mga Kastila, na ngayon ay dulot na ng kapwa rin natin Pilipino. Kung kayo man ay naaawa sa kalagayaan ng pangulo, huwag ninyo rin sanang kalimutang kaawaan ang kababayan nating mas lalong walang laban sa mga panganib na ibinunga ng kanyang palyadong pagdedesisyon. Kagaya natin, si Duterte ay trabahador at hindi diyos, at kagaya nating sinisisi–kung nararapat–sa tuwing nagkakamali sa mga gawaing nakapapahamak sa kalagayan ng nakararaming tao.
Kasama si Bonifacio at sampu sa kapwa niya aktibista, hindi kalabisan ang paghahanap ng katarungan, habang wala ring mali sa paghahangad ng mas mapayapa at makabuluhang kasalukuyan, o bukas. Bagkus ipinamamalas ito sa mga uri ng pananahamik sa panahong pinakakailangan ang ingay.
(Pagsasapanahon ng Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog ni Andres Bonifacio)