January 24, 2025

Tatlong araw nang nakapagkit ang aking katawan sa kama, tulala habang tintingnan ang kisame at ang pagtulo ng gamot pababa sa aking swerohindi makaligo at limitado ang paggalaw simula nang mapadalas na naman ang pagsikip ng aking dibdib. Ni ang pag-imik, kaakibat ay pagod at hapo. 

 Tanaw ko ang labas sa aking bintana. Nandiyan na naman ang dilim. Nagsisimula na namang tumumpok ang mga gamu-gamo sa paligid ng kumikisap-kisap na bumbilya sa aking kwarto. Ang iba nama’y bahagyang dumadapo sa kulubot kong braso at sa maputi kong buhok. Gumilid ako ng paghiga habang tinatanaw ang kaunting liwanag na hatid ng tahimik na buwan mula sa bintana. Pinilit kong pumikit dahil dito may ginhawa at kaluwagan sa kabila ng matagal ng takot at pangambang hatid sa akin ng dilim. 

Napalalim ata ako at napahimbing. 

Naramdaman ko ang pagkasilaw ng aking mga mata mula sa ilaw na tumagos sa bintana ng silid galing sa isang malaki at maingay na trak.  Sakay doon sa likod ang mga lalaking may suot na helmet at kulay-kaking uniporme, singkit at may dalang mga baril. Nandiyan na sila. May bago na naman dalawang dalagitang kasama, humahagulgol sa pag-iyak, pati na rin ang isang binatang nagpupumiglas. 

 Dali-dali kaming nagtago sa ilalim ng kumot at nagtulugtulugan sa kanya-kanyang naming mga banig. Maya maya’y pumasok ang mga lalaking ito, nagtatawanan kasama ng mga bagong babaeng dala nila pag-uwi na walang tigil sa paghikbi. Walang nakakaintindi sa kanilang mga sinasabi miski isa sa amin, bagkus pinipilit na lamang palitan ng katahimikan ang sindak sa nanginginig na mahinang pagtangis, sa kilabot na baka dalhing muli ang isa sa amin sa katabing kwarto, para maging alay ng gabi. 

Sa malakas na pagsara ng mga lalaking ito sa aming pintuan matapos itapon at itulak ang mga bagong salta at parausan sa aming silid, isa-isa kaming bumangon para lapitan ang mga ito at damayan sila sa takot at kalungkutan. Sama-sama kaming nanalangin, naghawak kamay at nagyakapan.

Patago ko namang sinipat ang mga lalaking ito sa bintana ng aming silid. Rinig na rinig ang pagmamakaawa ng binatilyong kanilang iniuwi. Ipinuwesto nila ito sa kaliwang bahagi sa unahan ng bahay. Halos hindi na ito makatayo, hubad, puno ng sugat at pasa. Kasabay nito ang tunog ng mga basong nag-uumpugan, at tawanan ng mga kalalakihan habang tumatagay at hinuhubad ang kanilang damit na pang-itaas, nagpapakalulong sa alak. 

“Hindi nga ako gerilya!” ani ng binata. 

Bumalik sa aking gunita ang aking amang napagkamalan din na rebelde. Kumakain lang kami ng agahan sa aming munting kubo nang may nagpaputok ng baril na may kasunod na nakakabinging pagsabog. Sa takot, nagtago kami ng aking ina sa ilalim ng lamesa habang dinala naman ang aking ama sa labas ng aming tahanan, ginulpi, binalatan ng buhay, at sinaksak nang paulit-ulit. Noong subukan namang puntahan ito ng aking ina, nauna pa ang kutsilyo ng mga kalalakihang ito na mabaon sa kanyang tiyan. 

Kinalauna’y tumigil na ang daing ng binata. Nabalot na lang ng katahimikan ang kaliwang bahagi ng labas ng pulang bahay na aming nilalagian. Nahuli akong nakasilip sa bintana ng isa sa kanila, ngumiti ito, na siya namang nagdulot ng malamig na pawis para tumagaktak sa aking katawan at ng biglaang pagtaas ng aking balahibo. Oras na para sa tunay nilang pyesta. 

Bumalik ako sa aking higaan at binalaan ang aking mga kasama na parating na ang aming kinatatakutan. Dahan-dahang nagbukas ang pintuan ng aming kwarto at sa kabila ng dilim, kita at ramdam ko ang mga mata ng lalaki na sa akin ay nakatutok. Nilapitan ako nito at tinanggal ang kumot na sadya kong binalot sa aking katawan. Unti-unti naman nitong dinausdos ang kanyang mga kamay sa aking binti at itinaas ang aking saya. Pilit kong pinagdidikit ang aking mga hita, at sinubukan kong alisin ang kanyang kamay sa kabila ng takot.

Napatawa ang lalaki at may dumating pang dalawa sa may pintuan. 

Art by Reign Macatangay

Hinawakan nito ang aking buhok at hinila hanggang napilitan akong lumakad papunta sa katabing silid. Tinulak ako at puwersahang pinasampa sa kawayang lamesa, at sa bawat paglaban ng aking katawan, katumbas ay buntal at tadyak.

Ramdam na ramdam ko ang bigat; pumikit na lang ako sa pait at sakit, habang iniisip na makakatakas rin ang bawat isa sa amin, na matatapos ang gulo at makakalaya kaming mga kinulong sa dalamhati at pang-aabuso. 

Sa aking pagmulat mula sa pagkakahimbing, nahihirapan akong huminga, hindi makaimik, mahigpit ang hawak sa kubrekama, at napapalibutan ng mga nars na hindi ko lubusang marinig.

Kaunting oras lang at kumalma na rin ang aking dibdib. Patay na ang ilaw at tumatama na sa lupi kong mukha ang sikat ng araw na lumusot mula sa aking bintana. 

Umaga na naman, at tanging ako na nga lang pala ang natira. 

 

Piyesa ni Jona Bondad

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *