January 20, 2025

Ganire ang klase ng kape na dapat iniinom mo sa umaga, ‘yung mainit, ‘yung matapang – barako – samahan mo pa ng panonood ng balita, aba’y paniguradong magigising ang diwa mo, pero kayo ga’y nagbabasa pa ng diyaryo?; 

Aba’y siya nga pala, puro dapat iniinom ang Gin Bilog, ‘wag mo nang hahaluan ng kung anu-ano pang juice; ‘wag ka ring tatanggi kapag inalok kang bumarik diyan sa labasan, puwera na la-ang kung ika’y may pasok kinabukasan, uunahin mo ‘yan at ‘yan la-ang naman ang pamana namin sa’yo ng iyong Inay; ganire magpakinang ng sapatos, ‘wag masyadong dadamihan ang biton, magtutuklapan ang balat; ganire dapat ang tabas ng iyong buhok, ‘yung malinis gang tignan, ‘wag na ‘wag mong kukulayan; ganire dapat ang lakad, tuwid ang likod, matikas, ‘yong pantay ang balikat, nang ika’y ‘di makursunadahan; kapag ika’y nakursunadahan, ganire dapat ang iyong tindig, hihigpitan mo ang iyong kamao at susunggaban mo agad ng isa, nang malaman niya; 

paano po kung mas malaki sa’kin?; 

Ganire naman dapat ang pipiliin mong klase ng sasakyan, ‘yung malaki, kasya ang buong pamilya; dapat madalas kang magpalit ng krudo; ganire maglinis ng wind shield, titignan mo rin lagi baka may sira na ang preno; dapat ikaw ay matapang magmaneho, pero respetuhin mo ang batas trapiko; ganire dapat ang relong sinusuot mo para ika’y guwapo, aba’y marami kang babaeng papaiyakin; ‘wag na ‘wag mong papaiyakin ang Inay mo, aba’y subukan mo at malalaman mo; ganire maglaro ng basketball, para ‘di ka lalampa-lampa; ganire dapat ang gagawin mo kapag tambak na kayo ng kalaban, ‘wag kang susuko agad;

pero paano po kung gusto ko sana mag-volleyball?; 

‘Wag kang pakalat-kalat habang naglilinis ng bahay ang iyong Inay, ilagay mo sa tubalan nang ayos ang iyong pinaghubaran; ‘wag na ‘wag kang gagamit ng pinagbabawal ng gamot, aba’y magkalimutan na tayo; ganire naman ang gagawin mo kapag ika’y may pinopormahan; kapag ‘di ikaw ang tipo, aba’y patunayan mong ikaw ang nararapat, ‘pag hindi ay marami pa namang iba riyan; kapag nahanap mo na ang para sa’yo; aba’y ‘wag ka nang titingin sa iba, gayahin mo ako sa iyong Inay; ganire ang hawak ng kwarenta’y singko, panakot la-ang naman ‘yan, ‘wag mo ipuputok; ganire naman ang mag-hasa ng balisong, ‘wag mo la-ang gagamitin  sa iba, ika’y malilintikan sa’kin;

paano po kung ayaw kong gumamit ng dahas?; 

Pero alam mo, ganire pala ang dapat mong gawin kapag ika’y may problema, ‘wag na ‘wag mo ako sanang gagayahin; dapat ang problema pala ay ‘di sinasarili, ’di tinatakbuhan; dapat matuto ka ring sumandal, lalo na sa nagmamahal sa’yo; dapat matuto kang ilabas ang lungkot sa harap ng taong minamahal mo, iiyak mo ‘yan kung gusto mo, narito naman kami ng Inay mo para damayan ka; ‘wag na ‘wag kang humingi ng pasensya kung sakaling ‘di mo ako masusunod; lalaki ako, tayo, dapat pala marunong akong makipag-usap sa kapwa ko lalaki lalo na sa aking anak – ikaw;

dapat sinabi mo ang mga ‘yan habang kapiling ka pa po namin, Tatay…

 

Piyesa ni Franz De Castro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *