Hindi dapat ako kinikilig
sa kanilang mga pagbati
sa mahal ko kayo, sa mabuhay,
sa salitang wala namang diin
Bakit ba ako kikiligin—
porke’t maalam, porke’t utal
pare-pareho lang din kaming umiimik
palibhasa ba’t iba ang kulay kapag
sa kanila nagmumula, may lambing
na parang sila ang may-ari
Pero bakit ba ako kikiligin—
kung ako nga ang may-ari
ako ang pinagmulan at malambing
na litaw ang kulay kapag
pare-parehong hindi umiimik
at sadyang maalam, sadyang akin
ang taglay nitong kilig
Dahil hindi rin naman sila kinikilig
sa aking mga pagbati
sa mahal ko kayo, sa mabuhay
sa wikang may pag-ibig
kahit nakikigamit