Ulam na lang daw
ang kakainin
ni ma’am
Ayaw niya, marahil, magpigil
sumandok, kaya hain ang
binabawasan
Buti sana kung sa kaldero
at hindi sa bilang ng
katawan
na kalauna’y titiklop
kasama ng mga ‘di na
napatuyong palay
Palibhasa, bulok din
magpakaina’t magsaing,
sala sa tutong,
malata,
at parang binaboy
saka babalutin para
sa kapwa
diyos at baboy
Parating ganito ang luto
sa bahay ni ma’am,
labis
sa iilang pinggan
Hanggang sa manawa
kaming mga kasalo at
gawing himpilan
ang hapag
na para sana’y sa mga tao
malay ba naming
para lang sa kabisera,
at sila-sila lang din
ang may ulam—
Matindi nga pala
mag-diyeta si ma’am—
pumapatay,
hanggang sa kanya
pa rin makikiramay
busog sana kami
kung pwede lang—
tumunghay